NI: Bella Gamotea

Arestado ang tatlong katao, kabilang ang magkapatid, na pawang nahuli sa aktong bumabatak ng droga sa isang bahay sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Police sina Roldan Galima y Gamba, 27, ng Cadena De Amor Street, Pildera 1, Barangay 192; magkapatid na sina Jonathan Arandia y Geranco, 27; at Maria Antonette Bernabe y Geranco, 37, kapwa ng sa No. 0427 Pildera St., Bgy. 192 ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), inaresto ang mga suspek habang gumagamit umano ng droga sa loob ng bahay sa No. 0427 Pildera St., Pildera 1, Bgy. 192, Pasay City, dakong 10:00 ng gabi.

Kitty kay FPRRD ngayong Father’s Day: ‘Until I see you again’

Nagsasagawa ng anti-criminality campaign ang mga tauhan ng Airport Police Community Precinct (PCP) sa naturang barangay nang lapitan ng isang concerned citizen at itinimbre ang ilegal na aktibidad sa nasabing bahay.

Agad pinuntahan ng mga pulis ang lugar at tuluyang nabisto ang mga suspek at isa-isang inaresto.

Narekober mula sa mga suspek ang isang nakarolyong aluminum foil, isang disposable lighter, isang maliit na strip aluminum foil at isang pakete ng hinihinalang shabu.

Pawang nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 11, 13 at 14, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.