NAGSIMULA na ang tunay na labanan ng mga Mulawin at Ravena at pinangunahan na ito ni Gabriel (Dennis Trillo) na kumampi sa mga Mulawin.
Dahil sa pagtalikod ni Gabriel sa mga Ravena, lumala ang galit ng mga kauri lalung-lalo na si Rafael (Kiko Estrada).
Sa eksena pagkatapos nilang maghamok, may kirot ang mga salitang binitiwan ni Rafael kay Gabriel. Dinig sa boses niyang kalinga lang ng kinagisnang ama ang kailangan niya, na ibinibigay lang ni Gabriel kay Almiro (Derrick Monasterio).
Maayos pa kaya ang hidwaan nila o tuluy-tuloy pa rin ang madudugong mga labanan? Mas pinatitindi pa ang mga eksena kaya naman gustung-gusto na ng mga manonood na mabalik ang alaala ni Pagaspas (Miguel Tanfelix) para full force na ang mga Mulawin.