Lawn bowls, nagsalba sa Pinas sa pagkabokya sa gold medal.

KUALA LUMPUR – Nakaamot ang Team Philippines sa gintong nakataya sa ikalimang araw ng kompetisyon sa 29th Southeast Asian Games dito.

At nagmula ang tagumpay ng Pinoy sa sports na lubhang estranghero sa sambayanan – lawn bowls.

Ginapi ng Team Philippines -- binubuo nina Curte Robert Guardin, Emmanuel Portacio, Leoncio carreon, Jr., at Ronald Lising – ang karibal na Malaysian sa men’s fours lawn bowls para maisalba ang inaalat na kampanya ng Pinoy sa iba’t ibang sports ng biennial meet.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Bunsod ng panalo, nakopo ng Pilipinas ang ika-11 ginto, ngunit nanatiling nasa ikaanim na puwesto sa overall standings. Nakapagwagi rin ang Pinoy ng 15 silver at 22 bronze medal.

Tuluyang tumibay ang kapit ng host Malaysia sa liderato mula sa naitalang panalo sa equestrian, squash racket, cricket at athletics. Tangan ng Malaysian ang 52 ginto, 41 silver at 33 bronze medal. Malayong nasa ikalawang puwesto ang Singapore (27-24-26), Vietnam (27-20-25), Thailand (20-31-35) at Indonesia (15-17-33).

Sa ikatlong sabak sa SEAG, nanatiling bigo si swimmer Jasmine Alkhaldi na nakuntento lamang sa bronze medal sa women’s 100-meter freestyle sa swimming competition na dinomina ng Singapore sa National Aquatic Center.

Nailista ni Alkhaldi ang tyempong 55.90 segundo para malagpasan ang 56.10 na tyempong naitala sa 2015 Singapore SEA Games. Nasundan ito ng isa pang bronze sa women’s 50-meter butterly sa tyempong 27.21 segundo.

Nakopo nina Singapore’s Quah Ting Wen at Vietnam’s Nguyen Ti Anh ang ginto at silver medal, ayon sa pagkakasunod, sa parehong record-breaking na 55.74 at 55.75, ayon sa pagkakasunod. Ang dating record ay 55.93 na naitala ni Quah sa Singapore may dalawang taon na ang nakalilipas.

Nitong Miyerkules, nakapagambag ng dalawang ginto sina Filipino-American Trenten Anthony Beram (men’s 200-meter) at Aries Toledo (men’s decathlon) sa National Stadium sa Bukit Jalil.

Sa kasalukuyan, ang athletics team ang ‘winningest’ sports ng Team Philippines matapos ang naunang pagwawagi nina marathoner Cebuana Mary Joy Tabal sa women’s marathon at Filipino-American Eric Shauwn Cray sa men’s 400-meter hurdles.

“I feel great because this is my first SEA Games. I knew that I was coming in as a rookie so winning the gold was a bonus,”’ pahayag ni Beram matapos mailista ang 20.84 segundo, bagong national record.

Nabura niya ang dating marka na 20.96 na naitala niya sa Asian Championship sa Bhupaneswar, India nitong Setyembre.

Samantala, kaliwa’t kanang kabiguan ang natamo ng bansa sa men’s at women’s under-22 football team. Natikman ng Azkals ang 0-2 kabiguan laban sa defending champion Thailand. Nakamit ng Thais ang ikatlong sunod na panalo sa Group sa MP Selayang Stadium.

Target ng Azkals na tapusin ang kampanya kontra sa bokyang Timor Leste ganap na 4:00 ng hapon.

Nagtamo naman ang Malditas ng 0-6 kabiguan kontra Myanmar sa Shah Alam Stadium.