NI: Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

4:15 n.h. -- Alaska vs Blackwater

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

7 n.g. -- Star vs Phoenix

ITATAYA ng Star Hotshots ang malinis na karta sa pagsagupa sa Phoenix sa tampok na laro ngayong gabi sa pagpapatuloy ng 2017 PBA Governors Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Magtutuos ang dalawang koponan ganap na 7:00 ng gabi kasunod ng unang salpukan sa pagitan ng Alaska at Blackwater ganap na 4:15 ng hapon.

Huling tinalo ng Hotshots ang Grand Slam seeking San Miguel Beer nitong Agosto 4, 104-98, para sa ikatlong sunod na panalo at pangunahan ang maagang pangunguna sa liga.

Matutunghayan ngayon kung may epekto sa laro ng Hotshots ang mahigit dalawang linggong layoff kontra Fuel Masters na maghahangad makabangon sa tinamong four-game slump, pinakahuli noong nakaraang Biyernes sa kamay ng Meralco Bolts, 104-107.

Nagbalik ensayo na para sa Hotshots ang kanilang top defender at isa sa mga beteranong lider na si Marc Pingris ngunit wala pang kumpirmasyon kung lalaro na ito ngayon matapos ang mahabang pamamahinga sanhi ng hip injury.

Sa unang laban, malaking katanungan pa rin kung makakaahon na ba ang Alaska sa kinahulugang apat na sunod na kabiguan sa pakikipagtuos nito sa Blackwater na inspirado naman matapos padapain ang NLEX Road Warriors sa nakaraan nilang laban sa iskor na 107-106, parehas ng iskor sa huling pagkatalong nalasap ng Aces sa kamay ng TNT noong Agosto 4.

Ang nasabing kabiguan ng Aces ang kanilang ika-12 sunod mula pa noong nakaraang Commissioner’s Cup.

Nanguna naman sa nabanggit na ikalawang panalo ng Elite sa loob ng limang laro si Roi Sumang na nagtala ng kanyang career high na 32-puntos at inaasahang muling magpapakitang gilas kabalikat si import Henry Walker upang makamit ang ikatlong panalo para makasalo ng Rain or Shine sa ika-6 na puwesto.