Ni Marivic Awitan

Mga Laro sa Martes

(Fil Oil Flying V Center)

8 n.u. -- CSB-LSGH vs Arellano (jrs)

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

10 n.u. -- Lyceum vs Mapua (jrs)

12 n.t. -- St. Benilde vs Arellano (srs)

2 n.h. -- Lyceum vs Mapua (srs)

4 n.h. -- EAC vs Perpetual (srs/jrs)

NAKAWAGAYWAY na ang bandila ng Lyceum of the Philippines Pirates para sa isa pang pananakop at sa pagkakataon ito ang Mapua Cardinals ang kukumpleto sa kanilang dominasyon sa first round ng elimination ng Season 93 NCAA seniors basketball tournament ngayon sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.

Nakatakda ang huling ratsada ng Pirates para sa first round sweep ganap na 2:00 hapon.

Magtutuos naman ang College of St. Benilde at Arellano University ganap na 12:00 ng tanghali pagkaraan ng unang dalawang laro sa juniors division na magsisimula ng 8:00 ng umaga.

Sa kabila ng kasalukuyang estado, hindi itinutuon ng Pirates ang kaisipan hingil sa pagwalis sa karibal. Sa halip mas gusto nilang ituloy lamang ang nasimulang adhikaing maglaro at ibigay ang lahat ng kanilang makakaya para makapagbigay ng inspirasyon sa kanilang eskwelahan.

“Hindi namin iniisip yung sweep. Basta lagi lang naming sinasabi sa mga players na “let’s play to inspire others,” pahayag ni assistant coach Joseph Perlas.

Kung namamayagpag ang Lyceum, inabutan naman ng kamalasan ang Cardinals na pilay na ang roster bago pa magsimula ang season ay nabawasan pa sa kalagitnaan ng first round matapos sinamang palad na mapinsala ang mga beterano at key players na sina Leo Gabo at Andoy Estrella.

Kasalukuyan ngayong nasa buntot ng standings ang Cardinals hawak ang barahang 1-6.

Mauuna rito, tatangkain ng Chiefs na maputol ang kinasadlakang losing skid sa pagtutuos nila ng Blazers na gusto ring makaahon sa bottom 3 ng standings.

Samantala sa huling seniors game, tatangkain ng Emilio Aguinaldo College na makaahon sa kinahulugang tatlong dikit na kabiguan sa pagtutuos nila ng University of Perpetual na naghahangad namang bumangon sa pagkatalong nalasap sa kamay ng defending champion San Beda na ipinahiya sila sa home court game nitong Huwebes sa Las Pińas City.

Magtutuos ang Generals at Altas ganap na 4:00 ng hapon na susundan ng salpukan ng kani -kanilang junior squads ganap na 6:00 ng gabi.