Ni FER TABOY
Nadakip ng mga pulisya si Kolambogan, Lanao del Norte Mayor Lorenzo Manigos, kasama ang apat na katao, makaraang mahulihan ng mga baril na walang lisensiya at ilang granada sa isang checkpoint sa Seaport Area sa Barangay Baybay Triunfo, Ozamiz City.
Naaresto kasama ng alkalde sina Ricky Bantillan, Mario Dayaman, Nestor Gabrinez, at Noel Agapia, at nasamsam mula sa kanila ang dalawang .9mm pistol, dalawang .45 caliber pistol, at tatlong granada.
Sinabi ni Chief Insp. Jovie Espenido, hepe ng Ozamiz City Police Office (OCPO), na maghahain sila sa Martes ng illegal possession of firearms and explosives laban sa mayor at sa apat na tauhan nito, sa Ozamiz City Prosecutor’s Office.
Sinabi pa ni Espinido na sinisilip na rin ng pulisya ang involvement ng alkalde sa illegal drug trade at ang koneksiyon nito sa mga Parojinog.
Kasalukuyang nakapiit sa himpilan ng OCPO ang lima.