Ni: Genalyn D. Kabiling

Nagngingitngit sa galit, pinag-iisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang mararahas na hakbang laban sa human rights advocates, kabilang ang pag-utos sa mga pulis na barilin ang mga humahadlang sa katarungan.

Nagbanta rin ang Pangulo na paiimbestigahan ang human rights groups sa pakikipagsabwatan matapos batikusin ng mga ito ang kanyang kampanya kontra ilegal na droga.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Sabihin mo ‘Pulis, barilin mo na ‘yang kasali diyan’. If they are obstructing justice, you shoot them para makita talaga kung anong klaseng human right,” deklara ni Duterte sa pagtitipon ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Malacanang nitong Miyerkules.

“Galit ako sa inyo because hindi niyo tinitimpla kung anong klaseng papasukan ninyo,” sabi ng Pangulo.

Reklamo ni Duterte, masyadong maingay ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at mabilis sa pagkondena sa security forces ngunit tahimik naman sa mga kriminal.

“One of these days, kayong human rights, kayo ang imbestigahin ko. Totoo. Conspiracy,” aniya.

Binanggit ng Pangulo na hindi nagsalita ang mga grupo ng human rights nang may isang pamilya, kabilang ang isang taong gulang na sanggol, ang pinatay sa Bulacan.

“‘Yung human rights diyan nasaan?,” sumbat ng Pangulo.

“Wala. Tapos itong mga kriminal, babandera ka, ‘human rights’,” dugtong niya.

Binira rin ng Pangulo si Commission on Human Rights (CHR) chair Chito Gascon na masugid na tagabatikos ng kanyang drug war, na tinawag niyang “ulol na mestizo.”

“Mas marunong pa sa iyo and they make so much noise,” aniya.