Ni: Light A. Nolasco
STA. ROSA, Nueva Ecija - Kaso ng sexual assault at rape ang kinahaharap ngayon ng isang 34-anyos na ama makaraang matiyempuhan siya ng kanyang misis habang minomolestiya ang 13-anyos nilang anak na babae sa Sta. Rosa, Nueva Ecija, nitong Biyernes ng madaling-araw.
Sa ulat na nakalap ng Balita sa tanggapan ni Chief Insp. Jeffrey Alivia, hepe ng Sta. Rosa Police, nakapiit na ngayon sa municipal detention cell ang suspek
Sa imbestigasyon ni PO2 Vanessa Bautista, dakong 4:00 ng umaga nang nagising ang 38-anyos na misis ng suspek dahil sa pag-ingit ng dalagitang anak.
Nang magmulat ng mga mata ay nakita niyang minomolestiya ng kanyang mister ang kanilang anak kaya pinagsasampal niya ang suspek sa matinding galit.
Nabatid na Abril ngayong taon nang magsimulang molestiyahin ng suspek ang anak, na naulit pa noong Hunyo, ngunit dahil sa matinding takot ay hindi makapagsumbong ang biktima.
Kaagad namang nag-report sa pulisya ang ginang at ipinaaresto ang asawa, na kinasuhan ng rape na may paglabag sa Anti-Child Abuse Law (RA 7610).