Ni: Francis T. Wakefield
Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nailigtas ng militar kahapon ng umaga ang isa pang bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu makaraang makatakas sa kamay ng mga bandido sa Basilan.
Sinabi sa report ni Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana na bandang 1:00 ng umaga nang nakatakas mula sa Abu Sayyaf si Edmundo Ramos, alyas “Moymoy”, sa Tapiantana Island, Basilan.
Ayon kay Sobejana, kasama ni Ramos ang tatlo pang bihag na sina Jason Pon Vailoces, Joel De Mesa Adanza, at Filemon Francisco Guerrero Jr., nang makatakas silang lahat sa mga bandido noong nakaraang linggo.
Bandang 9:00 ng umaga nitong Biyernes nang mamataan ng mga residente sina Vailoces, Adanza, at Guerrero sa Barangay Kagay sa Talipao, Sulu at kaagad na ipinagbigay-alam sa mga opisyal ng barangay.
Madaling araw naman kahapon nang ma-rescue si Ramos ng isang sibilyan na hiningan niya ng tulong makaraang makatakas sa Abu Sayyf, ayon kay Sobejana.
Hulyo 15, 2017 nang puwersahang tinangay ng mga bandido ang mga biktima mula sa construction barracks ng mga ito sa Provincial Sports Complex sa Bgy. Bangkal, Patikul, Sulu.