DAVAO CITY – Kabilang ang dalawang koponan mula sa pinakamalayong barangay sa Davao City ang nakausad sa semifinals ng Philippine Sports Commission (PSC)-backed Kadayawan Girls Volleyball Tournament nitong Linggo.
Haharapin ng Talandang Elementary School (ES) ng Tugbok District ang Tambobong Elementary School ganap na 9:00 ng umaga kasunod ang duwelo sa pagitan ng Davao Children's Games 2017 champion Kabacan Elementary School (KES) ng Barangay 76-A at Vicente Hizon Sr. Elementary School (VHSES) ng Buhangin District.
Pinuri ni tournament director Abet Bernan ng Balibolista de Dabaw ang impresibong kampanya ng Talandang at Tambobong na kapwa walang lehitimong programa sa sports, ngunit may angking natural na talento.
"Magagaling sila, may potential ang mga bata," pahayag ni Bernan patungkol sa Talandang at Tambobong spikers matapos ang isinagawang volleyball clinic bago ang pormal na pagsisimula ng torneo.
Aniya, hindi na siya magugulat sakaling umusad sa championship round ang dalawang koponan sa torneo na inorganisa ng PSC sa pakikipagtulungan ng Sports Development Division of the City Mayor's Office (SDD-CMO), Philippine Sports Institute, Department of Education Davao City at UM.
Naitala ng Talandang ES ang tatlong panalo at isang kabiguan para makasama ang VHSES sa pool B, habang naitala rin ng Tambobong ES ang parejong karta sa pool A.
Samantala, pinangasiwaan nina PSC chairman William "Butch" Ramirez at commissioner Maxey ang pagsisimula ng Kadayawan Dragon Boat kahapon sa Sta. Ana Pier.