NI: Raymund F. Antonio at Leonel M. Abasola

Nagbitiw kahapon sa puwesto ang direktor ng Bureau of Customs (BoC) Intelligence and Investigation Service matapos masangkot sa P6.4-bilyon shabu shipment at isyu ng panunuhol sa loob ng kawanihan.

Isinumite ni CIIS Director Neil Anthony Estrella, na namuno sa pagsalakay sa Valenzuela warehouse kung saan nasamsam ang 605 kilo ng shabu, ang kanyang resignation letter sa Office of the President, bandang 10:00 ng umaga.

“It is with deep regret-not least because of the tremendous trust you have reposed in my position and because of the renewed support you have extended our leadership-that I write to resign as CIIS director,” saad sa liham ni Estrella kay Pangulong Duterte.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sinabi ni Estrella, retiradong colonel, na hindi na niya magagampanan ang kanyang responsibilidad matapos ang “unnecessary publicity” na iniugnay sa kanyang tanggapan sa gitna ng legislative inquiries sa kabiguan ng BoC na masamsam ang drug shipment noong Mayo.

Si Estrella ang ikalawang opisyal na nagbitiw sa tungkulin, kasunod ng pagre-resign ni Import Assessment Services Director Milo Maestrecampo.

Sina Estrella at Maestrecampo ang tinukoy ng Customs broker na si Mark Taguba na mga opisyal ng BoC na tumanggap ng suhol mula sa kanya kapalit ng mas mabilis na shipment.

Pinabulaanan naman ito nina Estrella at Maestrecampo.

Kaugnay nito, tiwala si Senador Antonio Trilanes IV sa katapatan nina BoC Deputy Commissioner Gerry Gambala at Maestrecampo, na kapwa mistah niya sa Philippine Military Academy (PMA) at kasapi ng grupong Magdalo.

Ngunit duda naman siya sa katauhan ni Faeldon na kahit tagasuporta nila ay hindi naman nila kasamahan sa Magdalo.

Hindi dumalo si Faeldon sa huling dalawang pagdinig sa Senado at Kongreso dahil sa umano’y pagkakasakit.

Muli namang iginiit ni Senador Richard Gordon na dapat na magbitiw na lang sa tungkulin si Faeldon.