Nina MARIO B. CASAYURAN at CZARINA NICOLE O. ONG

Iginiit kahapon ni Senator Gregorio B. Honasan II na wala siyang kasalanan sa sinasabing maanomalyang paggamit niya ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2012.

“I am completely innocent of the charges (filed by the Ombudsman with the Sandiganbayan) against me,’’ sabi ni Honasan, chairman ng Senate national defense committee. “All my life I have fought everything I am accused of, and I will continue to do so.”

Ito ay makaraang ilabas kahapon ng Sandiganbayan Second Division ang arrest warrant laban sa kanya at sa walong iba sa paglabag sa Section 3(e) ng R.A. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng senador sa P29.1 milyon mula sa kanyang PDAF o “pork barrel”.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kinasuhan siya sa paglalabas ng kanyang PDAF para sa National Council of Muslim Filipinos (NCMF) noong Abril 2012, na layuning tulungan ang maliliit na proyektong pangkabuhayan para sa mga Muslim sa Metro Manila at Zambales.

Inendorso ni Honasan ang Focus Development Goals Foundation, Inc. bilang implementing non-government organization (NGO) ng proyekto. Gayunman, natuklasan ng mga imbestigador ng Office of the Ombudsman na inendorso ang Focus kahit hindi ito nakatutupad sa procurement regulations.

Bukod kay Honasan, kinasuhan din sina Political Affairs at Project Coordinator Chief Michael Benjamin, ang mga NCMF executive na sina Secretary Mehol Sadain, acting Chief Accountant Fedelina Aldanese, Director III Galay Makalinggan, acting Chief Aurora Aragon-Mabang, at si Olga Galido, cashier. Nahaharap din sa kaso ang mga taga-Focus na sina Giovanni Manuel Gaerlan at Salvador Gaerlan.

Gaya ni Honasan, naglabas din ang Sandiganbayan ng mga arrest warrant laban sa iba pang akusado. Kakailanganin nilang magbayad ng P60,000—P30,000 kada kaso ng graft—para sa pansamantalang kalayaan.

Habang isinusulat ang balitang ito, sina Sadain, Aragon-Mabang, Galido, at Aldanese pa lamang ang nakapagpipiyansa.

Ang nabanggit na kaso ay kaugnay pa rin ng PDAF scam, na nasa likod ng pagkakakulong ng mga dating senador na sina Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Custodial Center sa Camp Crame. Napiit din sa kaso si dating Senate President Juan Ponce Enrile ngunit pinalaya siya sa utos ng Korte Suprema.

Isang Army colonel si Honasan nang manguna sa pag-aaklas laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos na nauwi sa EDSA People Power Revolution. Ilang beses din siyang naglunsad ng mararahas na kudeta laban kay dating Pangulong Cory Aquino.

Dahil sa pangunguna sa kudeta, inaresto si Honasan at nakatakas. Muli siyang nadakip, at muling nakatakas, hanggang sa tuluyang bigyan ng amnestiya ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1992.