Ni GENALYN D. KABILING, May ulat ni Aaron B. Recuenco

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya papayagang makulong ang sinumang pulis na sangkot sa pagpatay sa alkalde ng Ozamiz City na matagal nang iniuugnay sa ilegal na droga.

Ipinagtanggol ng Presidente ang mga pulis at sinabing ginagawa lamang ng mga ito ang kanilang trabaho sa harap ng mga alegasyon na nagkaroon ng iregularidad sa pag-raid ng mga pulis sa bahay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr., na ikinamatay ng alkalde at ng 15 iba pa nitong Hulyo 30.

“Ngayon, itong kay Parojinog, sinabi ko naman sa inyo, hindi talaga ako papayag ni isang military o pulis na makukulong,” sinabi ni Duterte sa harap ng nagtipong sundalo nang bumisita siyang muli sa Marawi City nitong Biyernes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Kasali na d’yan ‘yang si Albuera, pati ‘yung ibang tinigok na mayor, pati mga pulis,” dagdag niya, tinukoy si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. na napatay sa umano’y shootout sa loob ng kanyang selda sa Baybay City noong Nobyembre 2016.

“The police and the military should make sure that their enemies are dead. Otherwise, if the other guy can still pull the trigger, you will end up with a dead police or a dead military soldier,” sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag nang dumalo siya sa anibersaryo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Miyerkules.

Una nang tinukoy ni Duterte ang mga Parojinog na kabilang sa mga pulitikong ayon sa kanya ay sangkot sa bentahan ng ilegal na droga.

“I will answer for it (Ozamiz raid). I ordered it,” sabi ni Duterte. “And so my order to the military and the police and rightly so: to destroy the organization, both the supplier, the users and everybody connected with the organization because they keep alive the trade.”

Kaugnay nito, sinabi naman ni Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na mananatili si Chief Insp. Jovie Espenido bilang hepe ng Ozamiz City Police, sa harap ng apela ng mga netizen na italaga ito sa lugar na may mga “narco-politician”.

“There is no plan of re-assigning him and in fairness to the other unnamed members of the PNP, Espenido may be the face right now but a lot are working quietly,” sabi ni Carlos.

Si Espenido rin ang hepe ng Albuera Police nang salakayin ang bahay ni Espinosa hanggang sa tuluyan itong mapatay sa loob ng piitan.