Ph junior chess team, humakot ng 18 medalya sa Asian tilt.

HINDI pahuhuli ang Pinoy sa larangan ng chess.

Sa isa pang pagkakataon, pinatunayan ng Team Philippines chess team ang katatagan at kahusayan sa sports na nakalikha ng mahigit isang dozenang Grandmasters sa nahakot na 18 medalya – tampok ang pitong ginto – sa katatapos na 3rd Asian Schools Chess Championships sa Panjin, Liaoning, China.

Pinangunahan ni Allanney Jia Doroy, ang 15-anyos na pambato ng Nazareth School of National University, ang ratsada ng Pinoy sa napagwagihang dalawang gintong medalya (standard at rapid) at silver (blitz) sa Under-17 years category.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kumubra rin sina Jerlyn San Diego, mula sa First Uniting Christian School (Under 13) at Al-Basher Buto ng Faith Christian School (Under 17) nang tig-dalawang gintong medalya sa rapid at blitz.

Tinuldukan ni Daniel Quizon(Under 13) ng Dasmariñas National High School ang ratsada ng Pinoy, suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at National Chess Federation of the Philippines (NCFP), sa matikas na panalo sa blitz class matapos makuha ang silver sa standard category.

Nasundan naman ni Rome Pangilinan ng Philippine Science High School (Under 17) ang impresibong kampanya sa East Asian Juniors Chess Championship, sa nakopong tatlong silver, gayundin si Kylen Joy Mordido ng Dasmariñas National High School sa Under-15 class.

Nag-ambag sina Daren dela Cruz ng Vicente Villanueva Memorial School (Under 9) ng silver (standard) at Jerish John Velarde ng Marie Ernestine School (U11 blitz). Nakopo ni Gal Brien Palasigue ng Makati Science High School ang tanging bronze sa rapid event ng Under-15 class.

“It is heartening to see investments in our robust grassroots chess development program in partnership with Philippine Sports Commission consistently reaping dividends,” pahayag ni NCFP president Cong. Prospero A. Pichay, Jr.

Sina Eugene Torre, unang Pinoy at Asian player na nagkamit ng GM title, at Chess Olympiad veteran Cesar Caturla, ang mga coach ng team na tumapos sa ikatlong puwesto sa overall tem standings.

Nakamit ng powerhouse China, sumabak na may 92 players sa 36 events, ang overall championship tangan ang 10-7-10 nedals, kasunod ang Uzbekistan ( 8-6-4). Panga-apat ang Indonesia (6-2-6,) kasunod ang Mongolia (3-1-3).