Ni: Ben R. Rosario

Lalo pang nilamog si Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon ng mga mambabatas dahil sa natuklasang mga dokumento na nagpapahiwatig na mas binibigyan niya ng employment preference ang dose-dosenang retired at aktibong professional basketball stars at volleyball standouts kaysa mga ordinaryong job applicant.

Sa pagharap sa congressional investigation hinggil sa smuggling sa bansa ng illegal drugs na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon, inulan ng batikos si Faeldon sa hearing ng House Committee on Ways and Means kahapon dahil sa alegasyon sa pagkakasali sa BoC payroll ng ilang basketball at volleyball stars.

Kasama sa mga iniulat na kinuhang empleyado bilang technical assistants ng BoC ang mga dating PBA player na sina Kenneth Duremdes, Marlou Aquino at EJ Feihl.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang iba pang dating basketball stars na sumusuweldo at nakatalaga sa Office of the Commissioner at Intelligence Division ay sina Gherome Ejercito, Micahel Sumalinog, at Bong de la Cruz.

Sa Customs Special Order No. 58-2016, itinalaga rin ng BoC ang mga sumusunod na volleyball personalities sa dalawang opisina: Parley Tupaz, Sherwin Meneses, Michico Castaneda, Rizza Mandapat at Fe Emnas.

Ang volleyball superstar Allysa Valdez ay nasa listahan din.

Nakasaad sa order na nakatalaga ang lawyer na si Mandy Therese M. Anderson, chief of staff ni Faeldon, na tagapirma sa kanilang daily time record “in the interest of service.”

Inilatag ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu sa atensiyon ng ways and means committee ang isyu at tinawag na “hypocrite” si Faeldon.

Matatandaang minaliit nina Faeldon at Anderson si Speaker Pantaleon Alvarez dahil sa umano’y paghiling na bigyan ng promosyon ang isang BoC personnel na tinanggihan ng dalawang opisyal dahil “unqualified.”

Ginigisa si Faeldon dahil sa alegasyon ng incompetence sa paghawak sa P6.4-bilyon shabu shipment na hindi naharang nang dumaan sa BoC.