Ni MARY ANN SANTIAGO

Patay ang isang obrero nang araruhin ng rumampang sports utility vehicle (SUV), habang nag-aabang ng masasakyan papasok sa trabaho sa Pasig City kahapon.

Dead on the spot si Marcelo Julian, nasa hustong gulang, construction worker, at residente ng 15 Kareta Street, Barangay Sto. Niño, Marikina City, na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Sa ulat ng Pasig Traffic Department, naganap ang aksidente sa tapat ng Robinsons Metro East sa Marcos Highway sa Barangay dela Paz, dakong 5:00 ng madaling araw.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Martes, Sept. 17

Papasok sa trabaho at nag-aabang ng jeep si Julian nang araruhin ng puting Ford Ranger (AAG-6662) na minamaneho ni Al-Arjay Tua.

Sa salaysay ni Tua, patungo siya sa Antipolo nang mag-cut sa kanyang harapan ang isang pampasaherong jeep.

Tinangka umano niyang iwasan ang jeep hanggang sa rumampa ang kanyang sasakyan sa gutter at nabangga ang isang traffic outpost at tuluyang inararo ang biktima.

Nasa kustodiya na ng awtoridad si Tua at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.