Ni: Bella Gamotea
Nagsimula nang kumilos ang “Project ET” o execution team ng Department of Trade and Industry (DTI) na hahabol sa tinaguriang mga negosyanteng “dugas lord” na nananamantala ng mga mamimili.
Ayon kay DTI Undersecretary Ted Pascua, ang Project ET ay “Oplan Tokhang” version ng DTI upang mapaigting ang pagmo-monitor, pag-iinspeksiyon at pagtiyak sa tamang presyo, timbang, label at kalidad ng mga produkto sa mga pamilihan sa bansa.
Sinabi rin ni Pascua na puspusan ang pakikipag-ugnayan ng DTI sa mga local government unit (LGU) at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang arestuhin ang madadayang negosyante.
Aniya, ang nasabing hakbang ng DTI ay patunay na seryoso ang kagawaran sa pagtutok sa nasabing kampanya laban sa mga umano’y madudugas na negosyante.
Makakatuwang ng DTI ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa nasabing kampanya.