Ni: Mary Ann Santiago
Pinayuhan ng Department of Health (DoH) ang publiko na magdoble-ingat sa paghahanda ng ulam na manok, matapos matuklasang 80 porsiyento ng mga ibinebentang manok sa ilang palengke sa National Capital Region (NCR) ay kontaminado ng bacteria.
Ayon sa DoH, natuklasan sa pag-aaral ng University of the Philippine-Institute of Biology na ang bacteria, na tinatawag na “Campylobacter”, ay umaatake sa walo sa 10 manok (80%) na ibinebenta sa ilang palengke sa Maynila.
Nilinaw ng DoH na walang malubhang epekto ang bacteria sa tao at hindi ito nakamamatay, ngunit maaari itong maging sanhi ng pananakit ng tiyan at diarrhea kapag nakapasok sa katawan ng tao.
Hindi pa rin umano matukoy kung saan nakukuha ng mga manok ang nasabing bacteria kaya pinapayuhan ng DoH ang publiko na linisin at lutuing mabuti ang mga karne ng manok.