Ni GENALYN D. KABILING
Walang kahit isang mayor sa National Capital Region (NCR) na sangkot sa ilegal na droga, batay sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, kabilang sa listahan ng mga hinihinalang narco-politician ang ilang konsehal at opisyal ng barangay sa Metro Manila, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde.
“If we’ll talk about the list of the President, mayors pataas, wala doon sa listahan niya,” sinabi ni Albayalde sa news conference sa Malacañang kahapon.
“But barangay captains down, we have, ‘yung councilors. Of course, yes mga city councilors, meron, no. Doon sa original or doon sa least coming from the President,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Albayalde na nakaaresto na ang mga pulis ng ilang opisyal ng barangay dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na droga.
“There are still or there are more politicians probably barangay councilor or city councilors down are still involved in illegal drugs and some probably will just be involved in protection,” ani Albayalde.
“Dahil alam naman natin kung minsan, no, this politics in our country, so, kung minsan kahit mali na ’yung ginagawa ng isang tao because of the vote, eh tino-tolerate ng ating mga local officials,” paliwanag niya.
Una nang nagbabala si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa na mas marami pang narco-politician at drug lords ang isusunod sa pinaigting na kampanya kontra droga.
Ito ang naging banta ni dela Rosa kasunod ng pagkamatay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Sr., ng misis at ng bokal na nakababatang kapatid ng alkalde nang salakayin ang bahay ng mga ito noong Linggo ng madaling araw. May 12 iba pa ang nasawi.
Sa mga unang buwan niya sa puwesto ay isinapubliko na ni Pangulong Duterte ang kanyang narco-list ng mga opisyal ng gobyerno, halal na opisyal, mga pulis at hukom na hinihinalang sangkot sa droga. Kabilang sa listahan si Mayor Parojinog.