NI: Nestor L. Abrematea

TACLOBAN CITY – Inaresto ng kanyang mga kapwa pulis ang isang operatiba ng Tacloban City Police sa isang drug buy-bust operation sa Sagkahan District sa siyudad sa Leyte.

Kinilala ni Tacloban City Police Office acting chief Senior Supt. Rolando Bade ang inarestong si PO2 Junius Jesus Nariz Villanueva, 37, nakatalaga sa Tacloban City Police-Station 2, at residente ng Barangay 74, Nula-tula, Tacloban City.

Ayon kay Supt. Bade, inaresto si Villanueva sa buy-bust operation na pinangunahan ng hepe ng Tacloban Police-Station 1 na si Senior Insp. Elmer N. Jabiñar, kasama ang Regional Intelligence Unit (RIU)-8, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 8.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nabatid na kasama ring inaresto si Melchor Basilan Latorre, 44, walang trabaho, at taga-Bgy. 62-A, Sagkahan, Tacloban City.

Sinabi ni Supt. Bade na huli umano sa akto ang pulis habang bumabatak sa loob ng bahay ni Latorre.

Nakumpiska umano mula sa mga suspek ang hinihinalang shabu na nakasilid sa walong plastic sachet at tinatayang nagkakahalaga ng P30,000 bawat isa; P500 marked money, isang .9mm caliber Black Widow revolver na may limang bala, isang PNP-issued na .9mm Glock 17 pistol na may 12 bala, at drug paraphernalia.

Nakapiit ngayon ang pulis sa Tacloban City Police Office Custodial Facility at kakasuhan ng paglabag sa Sections 12 at 15 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165); habang paglabag naman sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 at illegal possession of firearms ang haharapin ni Latorre.