DAHIL sa dalawang pangyayari kamakailan, ang bahagi nating ito sa mundo ay pangunahing tinututukan ngayon ng atensiyon at pagkabahala ng mundo.
Nitong Biyernes, muling sinubukan ng North Korea ang Intercontinental Ballistic Missile (ICBM) nito, na ayon sa mga analyst ay maaaring tumama sa malaking bahagi ng Amerika, kabilang ang Los Angeles at Chicago. Sa nakalipas na missile test, nagpakawala ang North Korea ng isang medium-range missile na nakatutok patimog sa direksiyon ng Pilipinas, at bumagsak malapit sa Batanes. Ang mga missile na mas maiiksi ang lipad ay bumagsak naman sa East Sea malapit sa Japan.
Kaagad naman itong tinugunan ni United States President Donald Trump sa pagbabanta sa China, ang pangunahing kaalyado ng North Korea. Madali lamang para sa China na resolbahin ang problemang ito, aniya, at nagbabalang hindi niya pahihintulutang walang maging hakbangin ang China tungkol sa North Korea at sa mga missile at nuclear bomb test nito.
Nagpadala ang Amerika ng dalawang supersonic B-1B bomber, na ineskortan ng mga jet fighter ng South Korea, sa Korean Peninsula bilang pagpapakita ng puwersa.
Dito naman sa atin, ang nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City ang pinagtutuunan ng pangamba ng mga nangangasiwa sa seguridad ng anim na bansang nagpulong sa Manado, North Sulawesi, Indonesia. Tinalakay nila ang panganib na dulot ng mga dayuhang jihadist sa bahagi nating ito sa Asya. Sinabi ni Attorney General George Brandis ng Australia na ang pag-atake ng mga teroristang may kaugnayan sa Islamic State (IS) ay hudyat na ng malawakang krisis sa terorismo sa rehiyon na may direktang banta sa Pilipinas, Indonesia, Brunei, Malaysia, Australia, at New Zealand. Ang pagbagsak ng Islamic State caliphate sa Gitnang Silangan, na kasunod ng pagkakabawi ng puwersa ng gobyernong Iraqi sa Mosul ay nagbibigay ng bagong serye ng mga problema, aniya, dahil kumikilos ngayon ang mga jihadist upang magtatag ng bago nitong teritoryo sa bahaging ito ng mundo.
Nagkasundo ang anim na bansa na maglulunsad ng mga database na makatutulong upang matukoy ang pagkilos ng mga terorista at magbahagi ng mga impormasyon ang mga pulisya at intelligence agency sa pamamagitan ng Foreign Terrorist Fighters Strategic Forum. “No one country is in the world is free from the threat of terrorism and we must face the threat together,” sabi ni Indonesian Security Minister Wiranto.
Kaya nakatutok ngayon ang atensiyon ng mundo sa Hilaga-Silangan at Timog-Silangang Asya. Ang bantang nukleyar ay aabot hanggang sa Amerika, ngunit ang panganib mula sa mga jihadist ng Islamic State ay narito mismo sa ating bansa at sa buong rehiyon, kabilang ang Australia at New Zealand, at ramdam na natin ang panganib.