Ni: Mario B. Casayuran at Leonel M. Abasola
Hindi ganap na matitiktikan ang pagpasok ng ilegal na droga sa mga daungan sa bansa dahil 16 na porsiyento lang ng imports na dumarating sa bansa ang naiinspeksiyon ng x-ray system ng Bureau of Customs (BoC).
Sa pagdalo niya sa hearing ng Senate Blue Ribbon committee, inamin kahapon ni BoC Commissioner Nicanor A. Faeldon ang kapalpakan ng x-ray machine ng BoC sa pagsasala sa mga container van.
Nakatuon ang hearing sa posibleng “malfeasance, misfeasance and nonfeasance’’ ng mga opisyal ng BoC.
Nagtataka si Senator Richard Gordon kung bakit hanggang ngayon ay walang isinasampang kaso laban sa kahit sino sa pagkakasamsam sa illegal na droga, na base sa confidential intelligence report na ipinadala ng Chinese customs sa BoC.
Inamin ni Faeldon na 84% ang tsansang naipupuslit ang shabu sa bansa.
Nagbabala rin siya sa mga senador na inaasahang aabot sa 500 kilo ng shabu ang ibabagsak sa Pilipinas “that we cannot detect.’’’
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na dumaan sa “green lane” ang kontrabando sa halip na sa “red lane”.
Aniya, walang inspeksiyon na naganap kahit bago lamang ang importer at hindi ipinaalam na galing sa China ang kontrabando.
Ang green lane ay para sa mga shipment na malinaw na walang derogatory records, habang ang red lane ay para sa mga shipment na kailangang busisiin.
Inako naman ito ni Faeldon, partikular ang paglusot ng nabanggit na shabu na nadiskubre sa isang warehouse sa Valenzuela City noong Mayo.
Sinabi ni Faeldon na responsibilidad niya ang kawalang aksiyon ng kanyang mga tauhan simula nang siya ay manungkulan sa kawanihan.