PANGUNAHING dahilan sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla nang tanggapin ni Albert Martinez ang papel bilang Prof T sa La Luna Sangre.

“Gustung-gusto kong makatrabaho ulit sina Daniel at Kathryn. Masaya ako na magkakasama kami ulit, kasi parang anak ko na ang mga ‘yan. Dati baby pa nga sina Kath and DJ. Ngayon adults na sila at nakakatuwa na parehas silang lumaking maayos,” kuwento ni Albert.

ALBERT copy

“Sa Princess and I kasi parang feeling ko six years old lang sila. Ngayon, ka-level ko na sila. Naabot nila iyong ‘level of wisdom’ na tama para sa kanilang edad. Masaya rin ako na makita na responsable, may respeto, at may kamalayan sila sa paligid, lalo na iyong passion nila sa trabaho nasa professional level,” dagdag ng beteranong aktor.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Ginagampanan ni Albert ang papel ng isang scientist na itinuon ang buhay sa pagsasaliksik tungkol sa mundo ng mga bampira. Bigla siyang sumulpot sa headquarters ng Moonchasers at mula noon ay nagsilbi nang pinuno ng grupo.

Ayon kay Albert, hindi ito ang unang papel na inialok sa kanya para gampanan sa teleserye.

“Noong una, dapat ako ang gaganap na tatay ni Daniel na ginampanan ni Romnick Sarmienta. Pero noong panahong iyon, naipit din ako sa isa pang teleserye na pilot week rin, kaya mas binigyang pansin ko iyon. Hanggang sa lumapit sila muli sa akin, mas nag-focus sila ngayon sa laban sa mga bampira. Doon nagawa ang karakter ko na Prof T,” paliwanag ni Albert.

Masaya ang aktor sa kanyang misteryosong karakter at hindi malaman ng mga manonood kung siya ba ay kakampi o kaaway ng alinmang sa mga grupong magkakatunggali.

“Isa siyang karakter na hindi ko pa nagagawa kahit kailan. Nagustuhan ko dito na hindi one layer ang karakter ko kung hindi multi-dimensional -- hindi nakapako at nakakahon. Lahat gagawin ni Prof T. para magtagumpay sa inaasam at ginagamit lang niyang instrumento ang Moonchasers para makamit ito. Isa pa ay hindi natin alam kung para kanino niya ito ginagawa at kung kanino siya papanig, kaya mas lalong kaabang-abang,” saad niya.

Uminit ang adventures ng Moonchasers nang dumating si Prof T. Ano nga ba ang maidudulot niya sa grupo? Paano kaya siya makakaapekto sa misyon nina Tristan at Malia?

Napapanood ang La Luna Sangre pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa nakaraang episodes ng programa, mag-log on lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.

Para sa karagdagang updates, i-follow ang @starcreatives sa Facebook, Twitter, at Instagram.