Ni: Mary Ann Santiago

Patay ang isang motorcycle rider habang sugatan ang apat na iba pa sa karambola ng 19 na sasakyan sa C5 Ortigas flyover, sa Barangay Ugong, Pasig City, kahapon ng umaga.

Ayon kay Police Sr. Supt. Orlando Yebra, Jr., hepe ng Pasig City Police, nasawi si Jeffrey Llanza, nasa hustong gulang, ng Novaliches, Quezon City, habang nilalapatan ng lunas sa The Medical City.

Samantala, isa pang hindi pa nakikilalang rider, na kabilang sa mga nasugatan, ang patuloy na nilalapatan ng lunas sa St. Luke’s Hospital sa Global City. Hindi na isinugod sa ospital ang tatlong iba pang nasugatan dahil bahagya lamang ang pinsalang natamo ng mga ito.

National

Marce, lalo pang lumakas; Signal #1, itinaas sa 14 lugar sa Luzon

Base sa ulat, naganap ang banggaan ng mga sasakyan, na kinabibilangan ng mga kotse, taxi, truck, closed van, AUV at mga motorsiklo, sa northbound lane ng C5 Ortigas flyover, bandang 10:30 ng umaga.

Napag-alaman na isang Isuzu 10-wheeler truck (PFY-692), na kargado ng mga sako ng wheat husks at minamaneho ni Juan Mirabuena Esteban, ang umiwas sa trapik at nawalan ng kontrol habang binabaybay ang pababang bahagi ng flyover at tumawid mula sa northbound lane patungo sa southbound lane, at tuluyang inararo ang mga nasa unahang sasakyan.

Naipit ang nasawing rider at ang kanyang motorsiklo sa ilalim ng isang delivery van na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa takot na sampahan ng mas mabigat na kaso kapag siya ay tumakas, kusang sumuko sa pulisya si Esteban.

“Medyo, ano, palusong na... Medyo alalay ako sa preno. Siyempre aapak akong preno, alalay, bigla akong nawalan ng preno. ‘Yon po ang nangyari,” ayon pa kay Esteban, na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide, Multiple Physical Injuries at Damage to Property.

Agad rumesponde sa lugar ang mga ambulansiya ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at isinugod sa ospital ang mga nasugatan sa aksidente.

Dahil dito, nagpatupad ng total closure sa Ortigas flyover na nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko.