Nina JEFFREY G. DAMICOG at BETH CAMIA

Aabot sa P60 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa Ermita, Maynila kasunod ng impormasyon na natanggap mula sa Bureau of Corrections (BuCor) tungkol sa bentahan ng ilegal na droga.

Dahil dito, sinang-ayunan ni Justice Undersecretary Antonio Kho ang obserbasyon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na laganap pa rin ang ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).

“We have not yet eliminated drug trade in the Philippines,” sinabi kahapon ni Kho, na siya ring namamahala sa BuCor, sa mga mamamahayag.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Kho na ang ilegal na droga, may bigat na 20 kilograms at nagkakahalaga ng P60 milyon, ay natagpuan ng Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) ng NBI sa isang sasakyan na nakaparada sa Ermita nitong Biyernes.

Nag-ugat ang operasyon mula sa liham ng BuCor na humihingi ng tulong sa pag-aresto sa isang grupo na sinasabing sangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa Metro Manila.

“We have an informant, eto nga naging resulta, coordinated work ng BuCor at NBI,” pahayag ni Kho.

Dahil dito, siniguro ng Undersecretary na ang Department of Justice (DoJ), NBI at BuCor ay ”continuing efforts to eliminate drugs.”

Sa pagsusuri ng Forensic Chemistry Division ng NBI, lumalabas na shabu ang nasamsam na droga.