Ni: Samuel P. Medenilla

Apektado ang overseas Filipino workers (OFWs) sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) sa patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan dahil napipilitan silang magbayad ng mga karagdagang bayarin.

Ipinahayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na sinimulan ng pamahalaan ng Saudi ngayong buwan ang pag-oobliga sa mga dayuhang manggagawa, kabilang ang mga OFW, sa pribadong sektor na bayaran ang Iqama (resident permit) ng kanilang mga kamag-anak o dependent na kasama nila sa KSA.

“The Saudi cabinet approved the collection of dependent’s fee from foreign workers reportedly to boost state revenues to offset the impact of the drop in oil prices,” ani POEA.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Naghihirap ang KSA sa mababang kita ng gobyerno dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa kasalukuyan.

Ipinaliwanag ni Bernard Olalia, Labor undersecretary at POEA officer-in-charge administrator, na sa simula ay inoobliga ang mga OFW na magbayad ng 100 Saudi Riyals o P1,350 para sa bawat dependent kada buwan sa gobyerno ng Saudi.

“The fee will be increased to SR 200 (USD 53) per dependent per month in 2018, SR 300 (USD 80) per month in 2019 and SR 400 (USD 107) in 2020,” sinabi ni Olalia sa POEA Advisory No. 7 (series of 2017).

Iniulat ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa KSA na sakop ng tinatawag na “dependent’s fee” ang asawa, anak, magulang, biyenang babae o lalaki, kasambahay, at driver na nakarehistro sa pangalan ng OFW o dayuhang nagtatrabaho sa commercial companies.

Ang mga OFW o iba pang migrante, na hindi makapagbayad ng “dependent’s fee” ay hindi pagkakalooban ng exit/re-entry visa, at hindi ire-renew ang kanilang residence permit.

Ipinatupad ng Directorate of Passport ng Ministry of Interior ng KSA ang bagong polisiya simula Hulyo 1, 2017.