Ni VANNE ELAINE P. TERRAZOLA
Kumaunti ang bilang ng mga Pilipino na aminadong sila ay mahirap, batay sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), na inilabas kahapon.
Lumabas sa second quarter self-rated poverty survey ng SWS, isinagawa noong Hunyo 23 hanggang 26, sa 1200 respondents sa buong bansa, na 44 porsiyento o halos 10.1 milyong pamilyang Pilipino ang umaming sila ay “poor” o mahirap, bumaba ng 50% o tinatayang 11.5 milyon sa naitala noong Marso.
Batay sa pakahulugan ng SWS, ang self-rated poverty ay ang dami ng respondents na nagsasabing mahirap ang kanilang pamilya.
Lumutang din sa survey nitong Hunyo na bumaba ang bilang ng umaming sila ay “food-poor” o salat sa pagkain ng 32% o 7.3 milyong pamilya, mula sa 35%, o 8.1 milyong pamilya na sinabing nagdarahop sila pagkain sa nakaraang quarter.
Bumama man ang antas ng self-rated poverty sa second quarter ng taon, natuklasan naman ng SWS na kapos pa rin sa salapi ang mga pamilya at maituturing pa ring mahirap.
Sinabi ng pollster na ang ibinigay na monthly budget threshold ng mga respondent ay P10,000 at kailangan pa rin nila ng P5,000 para maabot ito.
Ang median threshold, na tumutukoy sa kailangan ng kalahati ng mahihirap para sa gastusin sa bahay, ay pinakamataas sa Metro Manila sa P20,000; sinusundan ng Balance Luzon sa P15,000; at sa Visayas at Mindanao na kapwa nasa P10,000.
Para sa self-rated food poverty, natuklasan ng survey na kulang ang mga pamilya ng P2,500 para maabot ang P6,000 monthly threshold upang hindi na maituring na food-poor o salat sa pagkain.
Samantala, ang median self-rated food poverty threshold, ay umabot sa P9,000 sa Metro Manila; P6,000 sa Balance Luzon; at P5,000 kapwa sa Visayas at sa Mindanao.
“Families are in need of more money and lack more money to escape food poverty,” sabi ng SWS.