Ni: Mary Ann Santiago

Tatlo ang patay habang 82 ang inaresto sa magkakasunod na police operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD), bilang bahagi ng pinaigting na seguridad sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ulat ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), unang napatay si Paul John Michael Enrera, 28, nang manlaban sa buy-bust operation sa loob mismo ng kanyang bahay sa Tenorio Street sa San Andres Bukid, dakong 1:10 ng madaling araw kamakalawa.

Pagsapit ng 3:00 ng hapon, inilunsad naman ang “one time big time” operation sa Labour, Globo De Oro at Arlegui St., at napatay si Alnor Silongan, 30.

Metro

Humigit-kumulang 500k deboto, dumalo sa prusisyon ng Poong Nazareno ngayong Biyernes Santo

Sa nasabi ring operasyon, aabot sa 78 indibiduwal, kabilang ang 21 nakuhanan ng ilegal na droga at 57 na isinailalim sa verification, ang dinampot ng awtoridad at dinala sa MPD headquarters.

Samantala, napatay ng mga pulis si Romeo Bagunas, 23, nang manlaban sa buy-bust operation sa loob ng kanyang bahay sa Road 8 sa Punta, Sta. Ana at nakumpiskahan ng caliber .38 revolver, 11 pakete ng hinihinalang droga, at P200 marked money, dakong 2:20 ng madaling araw.

Pagsapit ng 6:30 ng gabi, inaresto ng mga tauhan ng MPD-Station 11 ang apat pang lalaki na naaktuhang nagpa-pot session sa Gate 2, Parola Compound sa Binondo. Kinilala ang ang mga inaresto na sina Jerry Balisi, 41; Jonathan Marcellana, 30; Jan Robin Robita, 20; at Jhun Dominador, 32.