Ni: Bella Gamotea
May 375 sawimpalad na overseas Filipino worker (OFW) mula Malaysia at Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang dumating sa bansa kahapon.
Dakong 4:15 ng madaling araw unang lumapag ang sinasakyang eroplano ng 75 OFW mula Malaysia sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.
Bandang 9:00 ng umaga naman dumating ang grupo ng 300 OFW mula Jeddah na nawalan ng trabaho roon dahil sa Saudization policy ng KSA.
Nakauwi sila sa tulong ng repatriation program ng gobyerno ng Pilipinas. Sinalubong sila ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Repatriation Team at mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at inalalayan sa pagproseso ng kanilang dokumento sa Immigration Office ng NAIA. Pagkakalooban din sila ng livelihood assistance.