Ni: Celo Lagmay
SA harap ng kabi-kabilang patayan, kabilang ako sa mga nalilito kung sinu-sino ang talagang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao: mga biktima ng mga kriminal o ang mismong mga kriminal. At lalong nakalilito ang mga patakarang ipinaiiral ng Commission on Human Rights (CHR), ang constitutional body na sinasabing nangangalaga sa karapatang pantao ng mga mamamayan na nagiging biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJK), kalupitan, karahasan at pagsasamantala ng kanilang kapwa. Kagyat kaya ang pagsaklolo ng CHR sa naturang mga eksena upang kagyat ding ipagtanggol ang anumang panggigipit?
Sa walang patumanggang pakikidigma ng ating mga sundalo at pulis sa Maute Group sa Marawi City, halimbawa, aling pangkat kaya ang ituturing ng CHR na mga human rights violators? Ang mga teroristang Maute na kaagapay ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) kaya o ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP)? Katakut-takot na ang namamatay sa magkabilang grupo sa bakbakang hindi pa tiyak kung kailan matatapos.
Ang nabanggit na digmaan ay magugunitang naging dahilan ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao; kaagad namang sumaklolo ang ating mga alagad ng batas laban sa tila-kidlat na paglusob ng mga terorista sa naturang lungsod na ngayon ay larawan ng wasak na komunidad; ang halos lahat ng mamamayan ay nagtitiis ngayon sa iba’t ibang evacuation center. Hindi ba sila ay maituturing na mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao na dapat pagmalasakitan ng CHR? Sino nga kaya ang tunay na biktima ng human rights violation? Hindi ko matiyak kung tinitimbang na ng CHR ang nakababahalang sitwasyon sa Marawi City at sa iba pang lugar na ginagambala rin ng mga panliligalig at labanan ng ating mga tropa ng iba’t ibang sektor ng mga rebelde.
Naguguluhan din ako kung aling grupo naman ng mga naglaban sa kahindik-hindik na Mamasapano massacre ang biktima ng human rights violation: ang Special Action Force ng PNP (SAF-PNP) o ang mga rebeldeng... Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at mga pribadong hukbo ng mga pulitiko? Maraming nakitil sa mga rebelde subalit halos lahat ng ating SAF 44 ay hindi nakaligtas. Aling grupo nga ba ang itinuturing ng CHR na lumabag sa karapatang pantao?
Wala akong ideya kung sinu-sino ang ituturing ng CHR na human rights violators sa karumal-dumal na masaker sa San Jose del Monte, Bulacan: ang pamilya ng mga pinatay o ang mga suspek na sinasabing sugapa sa alak at droga.
Maaaring nilalaro lamang ako ng malikot na imahinasyon, subalit nabibilisan ako sa pagkilos ng CHR kung ang nasasangkot sa human rights violation ay kapanalig ng mga “kaliwa” at ang paglabag ay ibinibintang sa administrasyon; madali itong mapansin ng naturang ahensiya. Totoo kaya ang sapantaha na sadyang sa malayo lamang nakatingin ang CHR?