NI: Bella Gamotea

Sa selda ang bagsak ng isang miyembro ng Philippine Army (PA) makaraang makumpiskahan ng hindi lisensiyadong baril at mga bala sa Makati City, kahapon ng madaling araw.

Nakapiit ngayon sa Makati City Police si 2nd Lt. Sonney Boy Paran y Monogay (reserve), 38, VIP security, ng No. 633 Biñan, Laguna.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa Barangay Southside, Makati City, dakong 1:00 ng madaling araw.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sinita ng awtoridad si Paran at narekober sa kanya ang hinihinalang pekeng Armed Forces of the Philippines (AFP) identification (ID) card, hindi lisensiyadong caliber .45 baril na kargado ng 12 bala, dalawang magazine, isang pellet gun, assorted camouflage uniform at combat shoes.

Bago idiniretso sa Criminal Investigation Division ng Makati City Police, dinala muna si Paran sa Ospital ng Makati at isinailalim sa medical examination.

Kasong paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearm and ammunition ang isinampa laban kay Paran.