Ni: Gilbert Espeña
ITATAYA ni WBO No. 1 super lightweight Jason Pagara ang mataas na world ranking laban kay Terry Tzouramanis ng Australia sa undercard ng Milan Melindo vs Hekkie Budler IBF junior flyweight championship sa Setyembre 16 sa Cebu City.
Ngunit, kailangan munang maipanalo ni Tzouramanis sa Biyernes ang kanyang laban sa kababayang si Andrew Wallace para sa bakanteng Australia-Victoria State super lightweight title.
Halos tatlong taon nang No. 1 contender si Pagara kay WBO light welterweight title Terence Crawford, subalit hindi siya naging mandatory contender kaya hihintayin na lamang ng ALA Boxing Stable na umangat ng timbang ang Amerikano para magkaroon ng pagkakataon sa world title.
“We've heard that Crawford might move up to welterweight,” sabi ng manedyer ni Pagara na si Michael Aldeguer. “If the title becomes vacant, that will be a good opportunity for Jason to fight for the WBO belt.”
Nakatakda ang unification bout nina Crawford, na WBC super lightweight champion din kay WBA, IBF at IBO light welterweight titlist Julius Indongo ng Naminbia sa Agosto 19 sa Lincoln, Nebraska at kung magwawagi ay aakyat sa mas sikat na welterweight division ang Amerikano.
Natamo ni Pagara ang bakanteng WBO International super lightweight title noong 2012 nang mapatigil ang tumalo sa kanyang sa puntos na si dating WBC Fecombox super lightweight champion Rosbel Montoya ng Mexico at limang beses na niyang naidepensa ang titulo mula noon.
Sa kanyang huling laban, pinatulog ni Pagara si dating WBA lightweight champion Jose Alfaro ng Nicaragua noong nakaraang Nobyembre sa Cebu City.
May rekord si Pagara na 40-2-0 na may 25 pagwawagi sa knockouts samantalang si Tzouramanis ay may 17-3-3 karta.