Ni: Aaron Recuenco

Sinabi kahapon ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila napapabayaan ang pagtutok laban sa ilegal na sugal, kasunod ng mga kritisismo na nakakaligtaan nito ang illegal numbers game, partikular na ang jueteng.

Ayon kay Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, habang sila ay nakatutok sa kampanya laban sa ilegal na droga, hindi naman nila napapabayaan ang iba nilang responsibilidad.

“The results of our anti-illegal gambling operations will speak for itself,” pahayag ni Carlos.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kamakailan, tinuligsa ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Alexander Balutan ang PNP sa hindi nito pag-aksiyon laban sa jueteng sa kabila ng paglagda sa memorandum of agreement noong nakaraang taon.

Sinabi ni Balutan na jueteng operation, na ginagamit ang Small Town Lottery, ay patuloy na nakaaapekto sa revenue collection ng gobyerno.

“I am disappointed and dismayed by their performance,” ani Balutan.

Sa kabilang dako, sinabi ni Carlos na aabot na sa mahigit 12,000 ang kanilang inaresto sa mahigit 5,000 anti-illegal gambling operations sa loob ng limang buwan, o simula nang i-renew ang kampanya noong Pebrero ng kasalukuyang taon.

Base sa datos ng PNP, mahigit P5 milyon ang kinumpiska sa iba’t ibang police operation sa buong bansa.

Ngunit sinabi ni Balutan na mas pinagtutuunan ng PNP ang mga small-time bet collector at hindi ang mga illegal gambling financier. Sinabi niya na ito ang dahilan kung bakit patuloy na namamayagpag ang jueteng sa ilang bahagi ng Luzon.

Ang masama, sinabi niya na ang impormasyong kanilang natatanggap ay marami pa ring police official na tumatanggap ng regular payola mula sa mga illegal gambling financier.

Pinaalalahanan niya ang PNP na panghawakan ang kanilang pangako, lalo na iyong mga kasama sa memorandum of agreement na nilagdaan ng PNP at ng PCSO noong nakaraang taon.