NI: Francis Wakefield, Mary Ann Santiago, at Fer Taboy

Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isa sa pitong pinaniniwalaang kaanak ng Maute Brothers ang kabilang sa Arrest Order ng Department of National Defense (DND).

Sa press briefing sa Camp Aguinaldo kahapon, sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na isa sa mga may apelyidong Maute na hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Lunes ay nagpositibo sa Arrest Order No. 2 para sa kasong rebelyon.

“‘Yung isa kasi positibo dun sa Arrest Order No. 2, sa aking pagkakaalam, kaya idudulog na agad ito sa korte para magawan ng kaso. ‘Yun ang aking pagkakaalam at ‘yung iba ay nangangailangan pa ng further cross check,” sabi ni Padilla.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

3 PINALAYA, 4 PINIGIL

Inilipat ng Bureau of Immigration (BI) sa kustodiya ng Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AVSEGroup) at National Bureau of Investigation (NBI) ang apat sa pitong pinaghinalaang may kaugnayan sa teroristang Maute Brothers na hinarang sa NAIA Terminal 3 nitong Lunes.

Kinumpirma ni Padilla na pinalaya rin nila kaagad ang tatlong pinigilang sumakay sa Cebu Pacific flight patungong Kuala Lumpur, Malaysia.

“’Yung tatlo na hindi naman naiugnay sa rebelyon at sa maaaring kaganapan sa Mindanao at hindi rin lumabas sa BI watchlist at iba pang notes sa kanilang pinagbabasehan na mga hold departure orders,” ani Padilla.

STRESS DEBRIEFING GIIT

Samantala, sa kabila ng inihayag na suporta sa plano ng gobyernong rehabilitasyon sa Marawi, iginiit ni Marawi Bishop Edwin dela Peña na mahalagang maisailalim sa stress debriefing ang Marawi survivors dahil sa trauma na dinadanas ng mga ito.

“We cannot just simply talk of rebuilding structures but rebuilding the persons affected because of the disruptions in their lives,” anang obispo. “It would be more painful to return to Marawi City when you have no more home to return to, as what’s been left are ashes and rubble.”

DNA SAMPLES

Kaugnay nito, sinimulan na rin kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang pagkuha ng DNA samples sa mga nawawalan ng kaanak sa gitna ng patuloy na bakbakan sa Marawi.

Sa pamamagitan ng mga nasabing samples ay matutukoy kung may ka-match ito sa mga labi ng mga nasawi sa bakbakan.