Ni: Mary Ann Santiago
Nagsaksak sa sarili ang isang lalaki makaraang magpilit umuwi ang kanyang nobya mula sa inuman sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Mary Johnston Hospital si Laurence Calinaya, 22, ng 1220 B. Sandico Street, kanto ng Kagitingan St., sa Tondo, dahil sa saksak sa kanang bahagi ng tiyan.
Sa report ni Police Supt. Santiago Pascual III, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 2, naganap ang insidente sa Sunflower St., sa Tondo, dakong 10:30 ng gabi.
Una rito, nakikipag-inuman umano ang biktima at ang kanyang nobya, si Kimberly Binas, 20, sa ilan nilang kaibigan sa lugar nang magpaalam si Binas na gusto na niyang umuwi.
Hindi umano pumayag si Calinaya at nauwi sa pagtatalo hanggang sa naglabas ng patalim ang biktima at sinaksak ang sarili.