Ni: Aris Ilagan

BOLZANO, Italy – Nagkakapili-pilipit na ang dila ko sa pagpupumilit na bumigkas ng Italyano. Ang hirap magkunwari…magpanggap.

Sa halip na maging ‘trying hard’ na turista, diresto Ingles ang ginawa kong pakikipag-usap sa mga waitress sa restaurant dito.

Talaga nga namang napakaganda, maayos at tahimik na lugar ang Italy.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

O, bakit ‘tila napanganga kayo nang banggitin ko ang Italy?

Ehem! Ehem!

‘Andito ako dahil naimbitahan ako ng BMW Motorrad Philippines upang bumiyahe nang nakamotorsiklo sa apat na bansa sa Europa—sa Germany, Austria, Italy, at Switzerland.

Inabot kami ng 11 araw upang makumpleto ang 1,800-kilometrong biyahe sa apat na lugar.

Ang aking biyahe sa Europa ay bahagi ng BMW Motorrad Days.

Tulad ninyo, napanganga rin ako sa ganda ng Europa. Bawat sulok, mistulang mamahaling painting ang aking pinagmamasdan habang nagmomotor sa kahit anong lugar sa apat na bansa.

Umabot kami sa Alps mountain range kung saan nasa 3 degrees Celsius ang temperatura. Hindi umubra ang tatlong patong na damit na aking suot. Nangangatal ako sa lamig.

Ang kinis ng mga kalsada at wala akong namataan ni isang basura sa kapaligiran.

Sa Austria, napakalinis ng mga ilog na ‘tila nang-aakit na kami ay maglublob. Maganda ang bawat bahay, parang nasa mga fairy tale movie na mahirap paniwalaang totoo.

Saksi ako sa ganda ng Europa. Bukod sa mga tanawin, napabilib din ako sa disiplina ng mga motorista rito.

Hindi tulad sa Pilipinas kung saan pinipinahan ng mga kotse ang mga nakamotorsiklo, dito ay ginagalang ang mga two-wheels. Sa mga intersection, pinagbibigyan ang mga nakamotorsiklo. Palibhasa, malaki ang naitutulong ng Moto Tourism dito sa Europa, lalo na kung tag-init.

Laking gulat ko na sa loob ng isang taon, halos anim na buwan lamang nakapagmomotorsiklo ang mga local at foreign tourist sa mga bansang ito.

Sa ibang season, hindi sila nagmomotorsiklo dahil mahal ang... insurance.

Kaya sa aming paglilibot, kaliwa’t kanan ang nakikita naming grupo ng mga biker. Talagang nakatutuwa! Ang lalaki ng motorsiklo, ang gagara!

At sa tuwing magkikita sa mga kainan, aakalain mong sila’y magkakakilala dahil binabati ang isa’t isa.

Ang lahat ay nakasuot ng full riding gear bilang patunay na mahalaga sa kanila ang kaligtasan ng bawat rider.

At sa tuwing nagkakasalubong sa kalsada, sumesenyas sila ng ‘peace’ sa mga kapwa rider bilang pagbati ng ‘happy and safe riding.’

Hanggang ngayon, pakiramdam ko’y panaginip lang ang lahat ng ito.