Ni: Aaron Recuenco at Bella Gamotea

Nang magsimulang lumabas ang mga drug lord sa maximum detention facility kung saan dapat sila manatili ilang buwan na ang nakalilipas, agad hiniling ng mga opisyal ng Special Action Force (SAF) na sila ay palitan sa National Bilibid Prisons (NBP).

Ang ibinigay nilang dahilan kay Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), ay base sa kanilang teorya na ang unti-unting paglilipat sa mga drug lord, mula sa Building 14 patungo sa medium at minimum detention facilities, ay hahantong sa pagbabalik ng illegal drug trade at hindi magtatagal ay mapapasama ang mga pulis na nakatalaga sa NBP.

Nitong Lunes, nangyari ang kinatatakutan ng SAF officials nang kumpirmahin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pagbabalik ng ilegal na droga sa piitan at sangkot dito ang ilang SAF commandos.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kahapon, kinumpirma ni Dela Rosa na nakipag-usap siya sa SAF director na nagsabi sa kanya tungkol sa unti-unting paglipat sa mga drug lord at ang magiging epekto nito sa mga pulis.

“The director of SAF had volunteered months ago o be pulled out. He told me that ‘Sir we may be placed on bad light, please pull us out, our names might be tarnished’,” pahayag ni Dela Rosa sa mga mamamahayag sa sorpresa niyang pagbisita sa NBP.

Sinabi ng opisyal na agad niyang hiningi ang dahilan sa kahilingan na palitan ang SAF sa NBP at sinagot siya ng SAF director na nawawalan na sila ng kontrol sa mga drug lord sa loob.

“Initially, the plan is to limit all the convicted drug lords to Building 14 where our SAF are deployed. But some of the drug lords were gradually being transferred to the medium security where the SAF has no control of,” sambit ni Dela Rosa.

Sa pakikipag-usap sa mga SAF sa NBP, mismong si Dela Rosa ay nagulat nang sabihin sa kanya ng mga commando na maging si Peter Co ay inilipat sa medium security.

ISINASAILALIM SA IMBESTIGASYON

Sinabi ni Dela Rosa sa SAF commandos na inatasan na niya si Director Gregorio Pimentel, head ng Directorate for Intelligence, na magsagawa ng counter-intelligence kaugnay ng alegasyon ni Aguirre at ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM).

“I wish that the allegation is not true. But in order to be fair to the accuser and in order to be fair to the accused, we must conduct an in-depth investigation to determine if the allegation is indeed true,” pahayag ni Dela Rosa.

Ngunit ipinagdiinan ni Dela Rosa na hindi siya naniniwala sa alegasyon.

Gayunman, ipinangako niya ang matinding parusa sa oras na lumabas sa imbestigasyon na tama ang elegasyon.