Ni: Erik Espina

SINUBAYBAYAN ko ang isang sikat na programa sa radyo dito sa Cebu na “kapuso” ng malaking himpilan sa telebisyon.

Ang isinahimpapawid ay tungkol sa anong grado ang maaaring isukli ng mga tagasubaybay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa unang taon niya sa tungkulin? Paliwanag ng komentarista, “uno hanggang singko” ang marka na maaaring ipagkaloob ng mga tatawag.

Katumbas ng “uno” ay excellent. Habang “singko”, bagsak! Sa dami ng tumawag at nagpaliwanag sa ilang oras na programa, masusuma na 85% sa mga ito ay nagbigay ng matataas na marka sa Pangulo.

Night Owl

Marupok ang demokrasya—ngunit nasa mamamayan ang tunay na lakas nito

‘Di rin matatawaran na maraming Cebuano, mula iba’t ibang bayan, ang bumigkas ng “excellent” para kay DU30. Pati nga sina dating pangulong Erap Estrada at Gloria Arroyo ay mababasa nating sumang-ayon din sa ipinamalas na liderato ng dating alkalde ng Davao City.

Lubos nilang nauunawaan ang kaakibat na hamon at mga suliranin sa pagpapatakbo ng isang bansa, kaya ganoon at naging positibo ang pananaw ng mga nagdaang ama at ina ng Pilipinas.

Siyempre, may mga tinig din na nagbanggit ng “singko” sa radyo, subalit mangilan-ngilan lamang ito.

May kasabihan, ang katotohanan minsan nakatuntong sa kanya-kanyang pananaw at anong punto ang sadyang tinitimbang.

Ito ‘yung konsepto sa Ingles na “The cup is half full” o “The cup is half empty”.

Depende umano kung aling kalahati ang tinututukan ng nagmamasid, at binibigyan ng pagpapahalaga o pagbabatikos?

Aking munting maidadagdag sa usaping ito ay ganito. Ano ba ang mga pangunahing problema sa ating republika? ‘Yun dapat ang pagbatayan.

‘Di ba, ang madilim at gabundok na kanser ng ilegal na droga? Paglaganap nito sa ilang dekada? ... Naging epekto ng ipinagbabawal na gamot sa kalawakang lipunan? Pagtaas ng krimen? Epekto sa ating demokrasya? Kinabukasan ng bayan? Hindi ba si DU30 ang nagbulgar nito at nanguna sa pagbaka sa sumisemplang katayuan ng pamilyang Pilipino. And’yan din ang lumalalang pangungulimbat sa kaban ng bayan. Si DU30 uli ang maingay na nagbabala at galit sa mga kurap!

Sa pondahan ng pagawaing-bayan, si DU30 rin ang gugugol ng P428.4 bilyon upang mapatupad ang napakaraming proyekto sa buong bansa. Makatutulong pa ito sa empleyo at sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Tama lang talaga na mataas ang marka ni DU30!