OAKLAND, Calif. (AP) — Pinatotohanan ni Kevin Durant ang pahayag na handa siyang magsakripsiyo sa ngalan ng kampeonato.
Tinanngap ni Durant, 2017 Finals MVP, ang mas mababang sahod na US$53 milyon sa loob ng dalawang taon upang mabigyan ng kaluwagan ang Golden State Warriors na mapalagda ang iba pang players at mapanatili ang grupo sa kanilang kampanya na makapanalo pa ng mas maraming titulo.
Sigurado ang mas malaking suweldo ang tatanggapin ni Durant kung hindi niya isinuko ang option sa kontratang nilagdaan niya sa nakalipas na taon, ngunit mas nanaig sa kanya na maisakatuparan ang hangarin niyang ‘dynasty’ kasama sina Stephen Curry, Draymond Green at Klay Thompson.
Sa kanyang bagong kontrata, tatanggap si Durant ng US$25 milyon sa unang taon at player option para sa ikalawang season.
Dahil sa aksiyon ni Durant, naisakatuparan ang alok na US$201 milyon sa loob ng limang taon na kontrata kay Curry, gayundin ang muling pagpirma nina 2015 Finals MVP Andre Iguodala (US$48 milyon sa tatlong taon), reserves Shaun Livingston (US$24 milyon sa tatlong taon) at David West (veteran minimum US$2.3 milyon sa isang taon).
“You don’t have to be great friends to be great teammates,” pahayag ni coach Steve Kerr sa samahang nabuo nina Curry at Durant.