Ni: Bert de Guzman
NGAYON ang pinakahihintay na bakbakan ng isang Senador at ng isang maestro. Ang senador ay si Manny Pacquiao at ang guro ay si Jeff Horn ng Australia. Pareho silang magaling na boksingero. Si Pacman ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) champion samantalang si Horn naman, 29 at isang dating teacher, ay hindi pa nakatitikim ng talo.
Ang sagupaan para sa WBO welterweight championship ay gaganapin sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia na may pamagat na Battle of Brisbane. Umaasa si Horn na mananalo siya sa 38-anyos na boxing-senator sapagkat siya ay higit na bata at mas mataas. Si Manny ay 5’6” lamang samantalang si Horn ay 5’9”. Kapag na-upset ng gurong si Horn ang senador na si Pacquiao, ito na marahil ang wakas ng boxing career niya at simula naman ng kasikatan ng Australyano.
Habang isinusulat ko ito, nag-alok ng pagpapalaya sa bihag na si Fr. Teresito “Chito” Suganob, ang lider ng teroristang Maute Group (MG) na si Abdullah Maute, kapalit ng pagpapalaya naman sa kanyang mga magulang na sina Cayamora at Farhana. Sinabi rin daw ni Abdullah sa Muslim emissaries na nakipag-usap sa kanya nang pairalin ang eight-hour humanitarian pause o pagtigil ng labanan sa loob ng 8 oras sa selebrasyon ng Eid al-Fitr noong Hulyo 25, na handa ang kanyang grupo na mag-withdraw o umalis sa Marawi City kung mamamagitan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang wakasan ang krisis sa siyudad.
May mga ulat na ang kapatid ni Abdullah na si Omarkhayam ay napatay kasama ang Malaysian financier na umano’y nagkakaloob ng milyun-milyong piso sa MG para pambili ng mga armas, bala at iba pang pangangailangan. Si Isnilon Hapilon, mataas na lider ng Abu Sayyaf Group (ASG) ay sinasabing sugatan at nakapuslit mula sa Marawi City. Gayunman, bineberipika pa ng militar kung talagang patay na si Omar at ang Malaysian financier.
Alam ba ninyong may 59 na dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) ang hinirang ni President Rodrigo Roa Duterte sa kanyang gabinete at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan? Karamihan sa retired military generals, police directors, admirals at colonels ay mula sa Mindanao o kaya naman ay na-assign sa Davao City noong siya ang alkalde ng lungsod sa loob ng 23 taon.
Noong panahon nina FVR, Gloria Macapagal-Arroyo at ex-PNoy, katakut-takot na batikos mula sa mga kritiko at maka-kaliwang grupo ang kanilang tinanggap kapag sila ay humihirang ng dating AFP at PNP officials. Kabilang sa mga kilalang dating pinuno ng military na hinirang ni PRRD ay sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, Hermogenes Esperon, Jr., Roy Cimatu, Danilo Lim, at iba pa.
Naniniwala ang mga analyst na ang paghirang ni Mano Digong sa mga dating opisyal ng AFP at ng PNP ay isang “astute move” o matalinong hakbang. Ayon sa kanila, dahil may pinagsamahan sina PDU30 at ang mga dating pinuno, kaya mananatili rin ang magandang relasyon niya sa military at police.
Marahil ay matindi ang paniniwala ng ating Pangulo na tanging ang military at police ang maaaring magpatalsik sa kanya sa puwesto. Dahil dito, sinusuyo niya ang mga ito, dinadalaw sa mga kampo at pinangangakuan ng dobleng suweldo, mga bagong armas, at sa isang pagbibiro ay “sagot” niya maging ang pag-rape ng mga sundalo at pulis!