Ni: Fer Taboy
Patay ang isang motorcycle rider habang pitong iba pa ang nasugatan sa karambola ng tatlong motorsiklo sa national highway sa Barangay San Isidro, Ibajay, Aklan.
Sa pagsisiyasat ng Ibajay Municipal Police, kinilala ang nasawi na si Gelo Sumcad, 19, residente sa naturang barangay.
Ayon sa pulisya, namatay si Sumcad matapos na magtamo ng matinding pinsala sa ulo.
Ginagamot naman sa Ibajay District Hospital at Aklan Provincial Hospital ang siyam na sugatan.
Batay sa police report, nag-overtake si Sumcad at nabangga ito sa kasalubong na motorsiklo na minamaneho ni Jerold Templonuevo, 32, ng Bgy. Tabangka, Numancia, Aklan, na may angkas na tatlong katao.
Bumangga naman sa likod ng motorsiklo ni Templonuevo ang isa pang motorsiklo na minamaneho naman ni Joshua Castro, 18, ng Bgy. Laguinbanwa, Numancia, Aklan sakay ang dalawang back rider.
Walang suot na helmet si Sumcad nang mangyari ang aksidente.