Ni: Celo Lagmay

NANG ipahiwatig ng Department of Justice (DoJ) ang paghahabla sa mga isinasangkot sa mga alingasngas kaugnay ng P10 billion Priority Development Assistance Fund (PDAF), natitiyak ko na nangangatog na sa nerbiyos ang mga mambabatas at ang kanilang mga partners in crime, wika nga. Hindi nila inakala marahil na mabubulatlat pa ang pagkakadawit nila sa naturang anomalya sa paniwalang sila ay kaalyado ng hinalinhang administrasyon; na sila ay mistulang iniligtas ng katarungang may itinangi o selective justice.

Dapat lamang tugisin ng DoJ hindi lamang ang mga idinawit sa PDAF scam kundi maging ang mga kasangkot sa iba pang katiwalian sa mga tanggapan ng gobyerno. Magugunita na hindi iilang ulit na inihayag ni Pangulong Duterte ang pagsasampa ng demanda sa mga nangulimbat ng salapi ng bayan na dapat ay nakalaan lamang sa mga proyektong pangkaunlaran. Marapat na may managot sa gayong pagsasamantala, lalo na nang ipasiya ng Supreme Court na labag sa Konstitusyon ang PDAF at maging ang DAF (Disbursement Acceleration Fund).

Nakadidismaya ang mistulang pagliligtas ng nakaraang administrasyon sa mga mambabatas na nakisawsaw sa kontrobersiyal na pondo. Sa kabila ng nagdudumilat na mga katibayan laban sa pagkakadawit sa PDAF at DAF ng ilang senador at kongresista, hindi man lamang umusad ang kanilang mga asunto. Nabura kaya ang kanilang mga pangalan sa sinasabing blue book ni Janet Lim Napoles, ang umano’y utak ng P10-B scam?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Tanging ang mga senador na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla ang hindi nilubayan ng nakalipas na pangasiwaan hanggang sa sila ay mapiit sa Camp Crame detention center. Maliban kay Enrile, ang dalawang Senador at ang ilan sa kanilang mga staff ay nagdurusa pa sa mga kasong bunsod ng paghihiganti. Hindi maikakaila ang kanilang hayagang pagtutol sa mga patakarang inaakala nilang makapipinsala sa kapaligiran at mismong mga mamamayan, lalo na sa mga dehadong sektor.

Dapat lamang nating asahan na sa determinasyon ngayon ng DoJ na papanagutin ang mga kasangkot sa nabanggit na mga anomalya, walang makaiiwas sa tunay na katarungan. Sa pamamagitan ng sinasabing affidavit o mga bagong salaysay ni Napoles, malalantad ang lahat ng nakinabang sa naturang fund scandal.

Walang dapat itangi rito, pati ang mga pinaghihinalaang mga mambabatas na lumipat sa mayorya sa pag-asa marahil na sila ay kukunsintihin ng Duterte administration ay dapat managot kung sila man ay nandambong ng salapi ng bayan.

Dapat pangatawanan ng administrasyon, lalo na ng DoJ, ang paglalapat ng katarungang walang itinatangi.