Ni: Jun Aguirre at Mary Ann Santiago
KALIBO, Aklan - Plano ng Department of Tourism (DoT) na gawing ‘tourism hub’ ang Marawi City sa sandaling maibalik ang kapayapaan doon kapag natapos na ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng mga teroristang Maute.
Sa pagdalo sa Congressman Allen Salas Quimpo Memorial Media Forum sa Kalibo, Aklan nitong Sabado, sinabi ni Tourism Undersecretary Frederick Alegre na binabalangkas na nila ang mga detalye ng tourism plan para sa lungsod.
Ayon kay Alegre, umaasa ang DoT na sa mga susunod na linggo ay tuluyan nang maibabalik ang kapayapaan sa Marawi upang masimulan na ang rehabilitasyon sa lungsod at nang maisakatuparan na rin ang proyekto ng kagawaran.
Nabatid na nahadlangan na ng militar ang plano ng mga terorista na gawing Islamic State territory ang Marawi City at nagsasagawa na lamang ng clearing operations sa apat na barangay sa lungsod na kasalukuyang pinagkukutaan ng mga terorista.
Matatandaang Mayo 23 nang salakayin ng Maute ang Marawi at nang araw ding iyon ay nagdeklara ng batas militar si Pangulong Duterte sa buong Mindanao.
Inaasahan namang lalagdaan ng Presidente ang executive order na maglulunsad ng programang ‘Bangon Marawi’ na tututok sa rehabilitasyon ng lungsod.