ni Bella Gamotea
Pag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang implementasyon ng “three-digit number coding scheme” at ng “metro-wide odd-even number traffic scheme,” gayundin ang pagpapataw ng pinakamataas na multa sa mga lalabag dito.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, layunin nitong mabawasan ang bilang ng mga sasakyan sa mga lansangan sa Metro Manila sa pagpalo ng mga rehistradong behikulo sa 2.6 milyon hanggang 2.7 milyon.
“‘Yung kalsada natin dito sa Metro Manila is only 5 to 6 percent of all the national road networks, so you have all the 36% ng lahat ng sasakyan nag-ipun-ipon lahat dito sa five percent na mga kalsada,” ani Lim.
Aminado si Lim na napakahirap na resolbahin ng problema sa trapiko kaya kailangang mabawasan, aniya, ang volume ng sasakyan sa tulong ng three-digit number coding scheme at metro-wide odd-even number traffic scheme.