Ni: Celo Lagmay

ISA lang ang nakikita kong kahulugan ng pagkakasamsam ng 11 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P250 milyon sa pinagkutaan ng Maute Group sa Marawi City: Talamak ang ipinagbabawal na droga sa Mindanao. Maliwanag na naglipana ang mga drug lord, bukod pa sa kabi-kabilang mga sugapa sa illegal drugs na maaaring nakikipagtaguan sa mga alagad ng batas dahil sa pag-iral ng martial law sa naturang teritoryo.

At lalong maliwanag na, tulad ng ipinahiwatig ni Pangulong Duterte, ang naturang illegal drug money ay ginagamit ng mga bandidong Maute Group sa pagpapaliyab ng rebelyon sa Mindanao, lalo na nga sa Marawi City. May mga haka-haka na maging ang P79 milyon na naunang nadiskubre at nasamsam sa isang bahay sa naturang siyudad ay ipinantutustos din sa pakikipagdigmaan ng nasabing mga rebelde sa ating mga kawal at pulis.

Maging sa Luzon at Visayas, kung sabagay, ay tila hindi nababawasan bagkus ay nadadagdagan pa ang illegal drugs; gayundin ang mga drug addict na patuloy pa rin sa pagiging user at pusher. Sa kabila ito ng maigting at madugong operasyon ng Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang security group upang ganap na mapuksa ang illegal drugs sa bansa. Mantakin o isipin na lamang na ang ating mga awtoridad ay nakasabat at nakasamsam kamakailan ng shabu na nagkakahalaga ng P6 bilyon sa isang bodega sa Metro Manila. Bukod pa rito ang bultu-bultong droga na natutuklasan sa mga drug laboratories sa iba’t ibang lugar sa Luzon at Visayas.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maaaring may mga balakid sa pagsugpo ng ganitong modus, subalit hindi dapat maglubay ang ating mga awtoridad sa pagsamsam at pagdakip sa mga drug lord at sa mga kasabwat ng mga ito.

Naniniwala ako na ang gayong operasyon ay hindi mahirap ibunsod sa Mindanao. Ibig sabihin, walang balakid upang halughugin ng ating mga awtoridad ang mga lugar na inaakala nilang pinagtataguan ng illegal drugs; maaari nilang akyatin ang mga bahay at pasukin ang mga bodega at mga gusali sa paghahanap ng mga bawal na droga, lalo na ngayon na umiiral ang martial law sa Mindanao.

Maaari na ring isabay rito ang pagkumpiska o pagsamsam ng mga baril na walang lisensiya o loose firearms na sinasabing nasa pag-iingat ng mga private army ng malalaking negosyante, mga pulitiko, at ng mga pribadong mamamayan.

Hindi malayo na ang naturang mga armas ay ginagamit ng iba’t ibang grupo ng mga rebelde at bandido sa pakikipaglaban sa ating mga sundalo at pulis. Tila mas matataas pa ang kalibre ng mga loose firearms kaysa mga armas na ginagamit ng ating tropa.

Kung ang pagpapaaresto sa 301 rebelde ng Maute Group ay nagawa ng martial law administrator, wala akong makitang dahilan upang hindi maiutos ang paghalughog ng shabu sa mga bahay at bodega, at ang pagsamsam ng mga loose firearm sa pamamagitan ng kamandag ng batas militar.