Ni NORA CALDERON
NANG pumayag si Gabby Concepcion na gumawa ng isang episode sa Magpakailanman, isinorpresa ng manager niyang si Popoy Caritativo ang magiging katambal niya sa “May Forever: Thje Ariel Cruz and Julieta Manuel Story” na mapapanood na ngayong gabi.
“Hindi naman ako nagpilit magtanong kung sino ang magiging leading lady ko pero nag-imbestiga ako nang dumating ako sa set,” kuwento ni Gabby. “Madali ko namang nahulaan nang may dumating na sasakyan na may initial ng name ni Janice de Belen. Siyempre na-excite ako, alam kong makakatikim na naman ako ng pagkaing iniluluto niya. Alam na niyang paborito ko ang blueberry cheesecake. Saka hindi ko pa rin nakakalimutan ang ibinigay niyang Kourus cologne nang mag-guest ako noon sa cooking show niyang Spoon. Sa bango nito, isang patak lang ayos na, kaya tinipid ko iyon.”
Aminado si Gabby na siya ang dahilan ng break-up nila noon ni Janice, na pagkatapos ay nag-stay na siya ng matagal sa States. Kaya nang bumalik siya rito after almost 20 years, wala na silang bad blood, friends na ulit sila, nagkaroon na ng closure ang relasyon nila.
“Kaya excited ako dahil after so many years, muli kaming magtatambal ni Janice. Last movie namin, Rosenda in 1989.
Sayang nga lang at two days lang kaming nag-taping at minsan lang mapapanood. May nagtanong nga sa akin kung papayag daw ba akong gumawa ng teleserye na kasama si Janice, sagot ko, ‘of course naman.’ Sana.”
Bakit nga hindi, baka after ng Ika-6 na Utos ni Gabby with Sunshine Dizon, isunod niyang project with Janice.
Sa drama anthology ni Mel Tiangco, gaganap na batang Janice ang anak niyang si Inah de Belen, batang Gabby naman si Jeric Gonzales, kasama rin sina Thea Tolentino, Lovely Rivero, Simon Ibarra, mula sa direksiyon ni Gina Alajar.