Ni: Genalyn Kabiling, Francis Wakefield at Beth Camia

Kumpiyansa ang administrasyong Duterte na hindi magiging teritoryo ng Islamic State ang Marawi City sa pagpapatuloy ng bakbakan sa lungsod na tinangkang kubkubin ng Maute Group halos isang buwan na ang nakalilipas.

Dahil dito, sinabi ng gobyerno na hindi na kakailanganin ng mas malawakang partisipasyon ng Amerika sa mga pagsisikap ng pamahalaan kontra terorismo sa siyudad.

“At this stage, I suppose we’ll have to take the position that it’s unlikely for Marawi to become a new hub for IS fighters,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella. “The Philippine military has already preempted the Maute group from establishing a wilayat or province in Marawi.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pinahupa ni Abella ang pangamba ng ilang senador sa Amerika tungkol sa posibilidad ng pagsigla ng kilusan ng mga terorismo sa Mindanao. Ilang Republican senator pa nga ang nanawagan para sa mas malawak na papel ng Amerika laban sa IS upang matiyak na hindi mapapasakamay ng mga terorista ang Marawi.

US SA TEKNIKAL LANG

“The role of the US in relation to the IS is to provide technical assistance as prescribed by the Constitution and we will abide by that,” paglilinaw naman ni Abella.

Batay sa huling datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Lunes ng gabi, nasa 65 sundalo at pulis na ang nasasawi sa bakbakan, may 258 terorista rin ang napaslang, habang 26 na sibilyan naman ang napatay.

Kinumpirma rin kahapon ng AFP na nabawi na ng gobyerno ang 16 na gusaling unang kinubkob ng Maute, habang nagpapatuloy ang clearing operations sa siyudad.

12 MAUTE KINASUHAN

Samantala, isinalang na sa inquest proceedings ang 12 hinihinalang miyembro ng Maute na naaresto ng mga pulis sa isang ospital sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Kinasuhan ng rebelyon ang mga suspek sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City.

Hindi pa tiyak kung ibibiyahe rin patungo sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang 12 suspek.