Ni: Bella Gamotea

Bulagta ang isang holdaper makaraang makipagbarilan sa mga rumespondeng tauhan ng Special Operation Unit (SOU) ng Parañaque City Police matapos biktimahin ang isang binata sa lungsod, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot ang hindi pa nakikilalang suspek, nasa hustong gulang, na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., dakong 1:00 ng madaling araw hinoldap ng suspek si Anthony Canlas y Rivero, nasa hustong gulang, sa panulukan ng Bayview Boulevard at Roxas Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nag-aabang ng bus si Canlas nang magdesisyong umihi sa madilim na bahagi ng kalsada at hindi namalayan ang pagsunod ng suspek hanggang sa siya ay tinutukan ng baril at nagdeklara ng holdap.

Pilit kinuha ng suspek ang sling bag ng biktima, na naglalaman ng dalawang cell phone at wallet, bago tumakas patungong Bayview Drive.

Agad humingi ng tulong si Canlas sa mga tauhan ng SOU na nagsasagawa ng anti-criminality operation sa lugar.

Sa halip na sumuko, pinaputukan ng suspek ang awtoridad na hindi nag-atubiling gumanti na naging sanhi ng pagbulagta ng una.

Narekober sa pinangyarihan ang isang caliber .38 baril, dalawang pakete ng hinihinalang shabu, aluminum foil, lighter, dalawang basyo ng bala ng .9mm at ang bag ng biktima.