LAUSANNE, Switzerland (AP) — Ibinasura ng Court of Arbitration for Sport ang apela ni Russian boxer Misha Aloian para mabawi ang silver medal na napagwagihan niya noong 2016 Rio Olympics.
Ayon sa CAS, naging maayos ang isinagawang imbestigasyon ng judging panel nang bawiin ang medalya kay Aloian matapos magpositibo sa droga.
‘Olympic rules affords no discretion and that disqualification of results is a necessary consequence of a positive testm,” ayon sa CAS.
Nakopo ni Aloian ang silver medal sa men's flyweight sa Rio de Janeiro Games, ngunit nagpositibo siya sa ipinagbabawal na ‘tuaminoheptane’.
Napanatili naman ng 29-anyos na boxer ang bronze medal na napagwagihan niya bilang flyweight sa 2012 London Olympics.
Hindi pa malinaw kung kanino ibibigay ang silver medal ng International Olympic Committee (IOC) dahil walang bronze medal bout sa naturang division sa Olympics.
Awtomatikong ibinigay ang bronze medal kina Yoel Segundo Finol ng Venezuela at Jianguan Hu ng China.