Ni MARY ANN SANTIAGO

Anim na katao ang kumpirmadong patay, kabilang ang isang dalawang taong gulang na bata at isang matanda, habang nasa 19 naman ang sugatan, nang araruhin ng isang 10-wheeler truck ang hilera ng mga bahay, tindahan at pila ng tricycle sa Taytay, Rizal, kahapon ng umaga.

Pansamantalang tumanggi ang mga opisyal ng Taytay Municipal Police na pangalanan ang mga biktima dahil hindi pa umano nila naipaaabot sa mga kaanak ng mga ito ang tungkol sa aksidente.

Gayunman, sinabi ng pulisya na ang nasawi ay dalawang lalaki at apat na babae, kabilang ang isang matanda at isang dalawang taong gulang na bata.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang 17 nasugatan ay isinugod sa East Medical Center, Taytay Emergency Center, Antipolo Hospital at Amang Rodriguez Medical Center.

Arestado naman at iniimbestigahan na ang driver ng truck na si John Paul Eston, 22 anyos.

Batay sa ulat ng Taytay Police, dakong 9:45 ng umaga nang mangyari ang aksidente sa pababang bahagi ng Tikling Junction sa bahagi ng Cabrera Road sa Barangay Dolores, Taytay.

Ayon kay Taytay Police chief Supt. Samuel Delorino, bago ang aksidente ay bumibiyahe ang 10-wheeler truck (TBP-967) ni Eston at nasa unahan niya ang dalawang tricycle.

Dahil pababa ang kalsada ay mabilis umano ang takbo ng truck na sa huli ay tinangkang iwasan ang dalawang tricycle kaya kumabig pakanan pero nabangga pa rin ang isa sa mga tricycle.

Hindi na nakabawi si Eston at nagdire-diretso nang inararo ng truck ang hilera ng mga bahay, tindahan at tricycle sa lugar.